PILIPINO. PARA SA ISANG CHINOY.
Para sa inyong kaalaman, ako'y isang Chinoy sa dugo at puso. Kaya nga ganun-ganun nalang ang pagpapahalaga ko sa wikang Pilipino. Masasabi nga talagang mukha akong Instik dahil sa mga singkit kong mga mata at sa madilaw kong balat. Ito'y sa dahilan na ang mayorya ng dumadaloy na dugo sa akin ay dugong Intsik. Gayon pa man, dahil dito sa Pilipinas nanirahan ang aking pamilya at dito na rin ako namulat sa mundo at tumanda, ang wikang Pilipino ang tinuturing kong pinakamahalagang salita sa balat ng lupa.
Sa ating lipunan ngayon, medyo nakapagtataka ang mababang pagtingin sa wikang ito. Marami ang nagsasanay mag-Ingles, mag-Hapon o mag-Mandarin dahil marahil ay mas nakakaangat ang mga ito sa kanilang isipan. Totoo nga na napakahalaga ng mga nsasabing mga wika para sa pag-unlad pero dapat rin ay maalala natin na ang wikang Pilipino ang nagsilbing tulay sa ating pakikipagkaibigan at sa ating pakikipagkapwa-tao. Gaya nga ng sabi "baliktarin mo man ang mundo" tayo'y Pilipino o Pilipino na dahil dito tayo lumaki kaya nga dapat ay pahalagahan rin natin ito.
Kanina lang naitanong sa akin ng isa kong kaibigan kung bakit raw biglang nagsulat ako gamit ang Filipino dito sa aking blog. Di tulad nang noon, puro wikang Ingles ang aking ginagamit.
Sa aking pananaw kasi, iba pa rin kapag ito ang ginagamit ng isang taga-Pilipinas. Sabihin man natin na nagbibigay ng ibang hiwaga ang Ingles kapag tayo'y nagsulat gamit nito, iba ang layunin ng wikang Pilipino.
Sa kahit sino mang tao, siya'y mas palagay sa wikang kinagisnan niya. Sabihin man nating mahusay siyang magsulat sa ibang salita, iba pa rin kapag nagsulat siya gamit ang sarili niyang wika.
Ang paggamit ng sariling wika ay nagbibigay ng pagkatotoo sa mga salita dahil ito'y direktang nagmumula sa isip ng tao.
Paano ba magisip ang isang Pilipino?
Siyempre sa wikang Pilipino.
Kaya nga sa aking palagay, ang pagsulat gamit ang sariling wika ay naglalapit pa lalo ng katotohanan dahil wala na itong pagsalin sa ibang salita. Ito'y mas nagiging puro pa at naghahatid ng emosyon at ng mensahe nang ayon talaga sa manunulat.
Sana'y mahalin natin ang wikang Pilipino. Bago tayo magmahal ng iba sana'y mahalin muna natin ang sariling atin.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home